ILOILO CITY – Lalo pang tumindi ang agawan ng assets ng dalawang electric providers sa Lungsod ng Iloilo.
Ito’y matapos na pinaboran ng Regional Trial Court Branch 37 ang hiling na writ of possession ng MORE Electric and Power Corporation upang ma-expropriate ang distribution assets ng Panay Electric Company (PECO).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty.Hector Teodosio. legal counsel ng MORE Power, sinabi nito na nitong Agosto 14 pa naglabas si Judge Yvette Go ng nasabing order.
Ayon kay Teodosio, nakasaad na inoobliga ang mga sheriffs na agad na ipatupad ang pag-posess ng MORE Power sa assets ng PECO.
Dagdag pa ni Teodosio, ano mang oras ay iti-take over na ng MORE Power ang lahat ng assets ng PECO kabilang na ang mga linya, softwares at mga pasilidad.
Hihingi rin sila ng tulong sa Philippine National Police at ibang pang law enforcement agency sa implementasyon ng desisyon ng korte.
Samantala ayon kay Atty. Estella Elamparo, legal counsel ng PECO, walang bisa, iligal at hindi sumasang-ayon sa batas ang desisyon.
Ayon kay Elamparo, ang pagpapalabas ng order ng writ of possession ay isang pambabastos sa otoridad ng Korte Suprema.
May korte aniya na naunang nagdeklara na unconstitutional ang expropriation provision ng Article 11212 na nagbibigay ng prangkisa sa MORE na mag-operate at mag distribute ng kuryente sa Lungsod ng Iloilo.