-- Advertisements --

Nagbanta na maantala ang nakatakdang peace talks sa Pakistan matapos igiit ng Iran na dapat munang matugunan ang kanilang mga kondisyon bago simulan ang negosasyon kasama ang Estados Unidos.

Ayon kay Iranian Parliament Speaker Mohammad Baqer Qalibaf, kinakailangang ma-unblock muna ang mga nakatenggang Iranian assets at magkaroon ng ganap na ceasefire sa Lebanon bago magsimula ang negosasyon.

Aniya, napagkasunduan na umano ang mga ito sa Washington at hindi magsisimula ang usapan hangga’t hindi natutupad ang mga kundisyon ng bansa.

Ipinahayag din ni Foreign Minister Abbas Araqchi ang parehong panawagan, kabilang ang agarang pagtigil ng pambobomba ng Israel sa Lebanon.

Sa panig ng Estados Unidos, bagama’t hindi pa nagsasalita ang White House, ngunit sinabi na ni U.S. President Donald Trump sa isang panayam sa New York Post na handa ang Amerika na muling magsagawa ng military operations kung mabibigo ang usapan. Dagdag pa ni Trump, nakahanda na ang mga warships nito sakaling hindi magbunga ang negosasyon.

“With the best ammunition to ​resume strikes on Iran if peace talks in Pakistan fail,” babala ni Trump.

Gayunpaman, nagpahayag ng positibong pananaw si U.S. Vice President JD Vance, na mangunguna sa delegasyon ng U.S., ngunit nagbabala rin na hindi sila magiging bukas sa anumang panlilinlang na gagawin sa usapan.

Sa kabila ng dalawang linggong ceasefire na inanunsyo kamakailan. Hindi pa rin natitigil ang mga pag-atake ng Israel sa Lebanon, kabilang ang mga airstrike na pinapakawalan ng Israel, habang nananatiling sarado ang Strait of Hormuz na tinuturing na isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.

Ayon sa mga ulat, mahigit 1,800 katao na ang nasawi sa mga pag-atake sa Lebanon mula noong Marso, habang nagpapatuloy ang labanan sa pagitan ng Israel at ng grupong Hezbollah na kaalyado ng Iran.

Samantala, iginiit ng bagong Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Mojtaba Khamenei na hihingi ang kanilang bansa ng kabayaran sa pinsalang dinulot ng digmaan, kasabay ng panawagang panagutin ang mga umatake sa kanilang teritoryo.

“We ​will certainly not leave unpunished the criminal aggressors who attacked ​our country,” ani Ayatollah Khamenei.