Target ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na gawin mandatoryo sa lahat ng mga barangay sa buong Pilipinas ang peace education at isama sa criteria para sa Seal of Good Local Governance awards.
Ayon sa kalihim, sinimulan na nito ang pagtalakay dito kasama ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) para gawing posible ang plano sa loob ng 3 taon sa pamamagitan ng training program na papamunuan ng Local Government Academy.
Maaari din aniya itong maging parte ng kanilang programa para sa kapayapaan, pagtungo sa mga grassroots at pakikipagdayalogo sa mga tao para malaman ang kanilang kailangan at matugunan ang mga ito.
Inihayag din ng opisyal ang posibilidad ng pagsasagawa ng peace education seminars para sa lahat ng mahahalal na SK officers pagkatapos ng barangay at sangguniang kabataan elections sa Oktubre 30 ng kasalukuyang taon.
Maliban sa DILG, nagpahayag din ng commitment ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Commission on Higher Education at Department of Education para sa mainstreaming ng peace education sa mga barangay at sa basic at higher learning institutions sa ginanap na ikalawang National Peace Education Summit noong Setyembre 26 at 27.