Lumagda sa isang peace covenant ang mga kandidato sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, na isinagawa sa Basilan State College, Isabela City, Basilan nitong Sabado.
Ayon kay Atty. Ray Sumalipao, Regional Election Director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang peace covenant ay para sa sure, accurate, and free and fair elections (S.A.F.E) sa Mayo 9.
Ang aktibidad ay pinangunahan mismo ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Saidamen Pagarungan at Comelec Commissioner Erwin George Garcia.
Kasama din lumagda ang mga Opisyal ng AFP sa pangunguna ni Western Mindanao Command (Westmincom) Commander Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., na kumatawan kay AFP Chief of Staff General Andres Centino.
Lumagda rin ang mga opisyal ng PNP sa rehiyon sa pangunguna ni Area Police Command – Western Mindanao Commander Police Lt. Gen. Jose Chiquito Malayo, na kumatawan kay PNP Chief General Dionardo Carlos.
Sa kanyang mensahe, nagbigay-pugay si Wesmincom Commander Lt. Gen. Rosario sa mga kandidato sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi sa kanilang buong suporta sa makatotohanan, maayos, at mapayapang halalan.
“I salute all our political candidates from Basilan, Sulu, and Tawi-Tawi for your gesture of support for our quest for an honest, orderly, and peaceful election. Rest assured that your armed forces will go the extra mile to ensure that everyone is always safe and secured especially during the election period,” pahayag ni Lt.Gen. Rosario.
Kasabay nito, tiniyak ng Heneral na gagawin ng militar at pulisya ang lahat para masiguro ang seguridad ng lahat sa darating na halalan.
Una ng sinabi ni Comelec Chairman Pagarungan na nasa 12 lugar sa Maguindanao at Lanao del Sur kabilang ang probinsiya ng Basilan ang posibleng isailalim sa Comelec Control.