Nakatakdang pag-usapan bukas ng national executive council (NEC) ng PDP-Laban Cusi faction ang vice presidential bid ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa halalan sa susunod na taon.
Kinumpirma ito mismo ni PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag sa mensaheng kanyang ipinadala sa Bombo Radyo matapos na matanong kung paano tinanggap ng partido ang balita na handa si Pangulong Duterte na huwag nang ituloy ang vice presidential bid nito sakali mang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa si Davao City Mayor Sara Duterte.
Kahapon, sa isang statement, inanunsyo ng PDP-Laban Cusi faction na tinanggap ni Pangulong Duterte ang endorsement nila na tumakbo bilang bise presidente sa 2022 polls matapos na mailatag sa kanya ang “popular calls” ng konseho ng partido para sa continuity ng mga programa ng kasalukuyang administrasyon.
Pero kaninang tanghali, sa makahiwalay na panayam, sinabi nina Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles at Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi naisama sa inereng “Talk to the People” public address kagabi ang pagbanggit ni Duterte na bilang “delicadeza” ay hindi ito tatakbo sa halalan sa susunod na taon kung matuloy naman ang presidential bid ni Mayor Sara.
Sa kabilang dako, para sa PDP-Laban, sinabi ni Matibag na tuloy ang pagtakbo ni Duterte sa pagka-bise presidente.