-- Advertisements --

Umaasa ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang walang humpay na drugs operation na nasimulan sa kasalukuyang administrasyon.

Sinabi ni PDEA chief Wilkins Villanueva, dumaan na raw ito sa apat na presidente ng bansa kaya ang hiling nito ay wala raw dapat bahid ng pulitika ang isasagawang mga operasyon dahil isa lamang daw ang kalaban ng mga Pinoy at ito ay ang droga.

Dapat daw ay tuloy-tuloy at pantay-pantay ang isasagawang operasyon kahit sino man ang manalong presidente.

Aniya, ginagawa raw na professional ang kampanya ng iligal na droga at kahit sinong mamuno ay dapat ay nasa forefront ang PDEA sa war on drugs.

Hiniling din ni Villanueva sa susunod na presidente na ipagpatuloy ang drug rehabilitation at reformation program na sinimulan ng Duterte administration para daw sa hinaharap ng bagong henerasyon.

Dagdag ni Villanueva, bilyong pisong halaga na raw ng iligal na droga ang nakumpiska ng PDEA sa mga matagumpay nilang mga operasyon.

Ang operasyo ng PDEA ay nag-ugat sa mga joint cooperation ng mga law enforcement agencies sa ilalim ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na itinatag noong 2019.
Noong Marso 15, naharang ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force on Illegal Drugs at Quezon Police Provincial Office ang tatlong van ng 1.5 metric tons ng shabu na nagkakahalaga ng P10 billion sa checkpoint sa Infanta town, Quezon province.

Nahuli sa naturang operasyon ang 10 suspek.

Sinabi ni Villanueva na ang mga drug syndicates ay nagbago raw ng estilo sa kanilang dating nakagawiang pagbiyahe ng mga kontrabando sa pamamagitan ng unprotected coastal areas.

Kabilang daw sa pinagmulan ng mga kontrabando ay sa bansang Mexico, Africa at China.