Pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga dokumento na umano’y nagpapakitang nasa watchlist ng ahensiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa PDEA, ang mga dokumentong parehong may petsang March 11, 2012 na kumakalat ngayon sa mga online platform ay bogus o peke.
Ang isang dokumento ay pre-operation report kung saan nakalista si Pang. Marcos at ilan pang hindi natukoy na indibidwal bilang targets umano ng drug sting operation. Ang iba namang dokumento ay isang authority to operate para sa umano’y drug target sa Makati.
Subalit sa isinagawang imbestigasyon ng PDEA sa pamamagitan ng pagsuri sa kanilang Plans and Operations Reports Management System, napag-alaman na walang ganoong operasyon na naitala sa nasabing petsa.
Ang paglilinaw na ito ng PDEA ay kasunod ng inupload na mga dokumento ng vlogger na si Maharlika sa kaniyang social media account page noong gabi ng Lunes na agad na kumalat.
Ang naturang vlogger ay dati umanong supporter ni PBBM subalit naging kritiko ito ng kasalukuyang adminsitrasyon at nananatiling loyal kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ng kumakalat na pekeng mga dokumento online, nagpaalala ang PDEA sa publiko na mas maging maingat o mapanuri sa mga nababasang post na nagpapakalat ng fake news.