Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang agents ng PDEA at tauhan ng PNP ng kasong homicide, attempted homicide, robbery, direct assault, falsification of official documents, at conniving or consenting to evasion.
Ito ay batay sa resulta ng isinagawang imbestigasyon ng ahensiya kaugnay sa madugong misencounter noong February 24, 2021 sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA sa parking lot ng isang mall sa Commonwealth Avenue.
Batay sa report ng NBI na kanilang isinumite sa Office of the Prosecutor General sa Department of Justice, nasa apat na PDEA agents at isang pulis ang nahaharap sa homicide complaint kasama ang ilang tauhan ng QCPD.
Habang attempted homicide ang isinampa laban sa walong QCPD-DEU personnel.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang kooperasyon sa legal process matapos kasuhan ang ilang tauhan nito.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, kaniyang itinuturing na isang oportunidad ang pagsampa ng kaso ng NBI para sagutin ang mga alegasyon ng bawat partido.
Sinabi ni Villanueva na noong June 29, 2021, nagsampa ng hiwalay na kaso ang PDEA laban sa mga tauhan ng PNP dahil sa pagkamatay ni agent Rankin Gano at ang ginawang pambubugbog ng mga pulis sa mga PDEA agents.
Siniguro naman ni Villanueva sa publiko na hindi ito makaka-apekto sa kanilang anti-drug campaign.
Dagdag pa ng opisyal na nananatili malakas ang partnership at collaboration ng PDEA at PNP sa paglaban sa kriminalidad at illegal drugs sa bansa.
Buwan ng Hunyo ng pumirma ang PDEA at PNP ng joint memorandum circular para hindi na maulit pa ang madugong Commonwealth misencounter.