Tiniyak ng Philippine Coast Guard sa publiko na gumamit ng marine diesel oil ang Anita DJ II fishing vessel na tumaob sa bahagi ng Batangas.
Nilinaw ni PCG District Southern Tagalog Commander CG Commodore Geronimo Tuvilla sa isang pahayag na ang langis na ito ay hindi makakasama sa komunidad kung saan malapit na naganap ang aksidente sa nasabing bangka.
Aniya, ang bangkang pangisda ay mayroong 70,000 liters ng marine diesel oil na isang uri ng fuel oil na madaling mag-evaporate kapag nasinagan ng araw.
Kung matatandaan, tumaob ang fishing boat sa Calatagan, Batangas water noong Agosto 27 na kung saan nailigtas ang 13 sakay nito.
Naglalayag ang fishing boat mula sa Navotas Port patungong Palawan bago ang nangyaring pagtaob ng sasakyang pandagat.
Una nang sinabi ni Tuvilla na naglabas ang PCG ng Notice to Mariners para maiwasang dumaan sa lugar kung saan tumaob ang bangkang Anita DJ II.
Sa ngayon, sinabi ng PCG na na-contain na nito ang umano’y oil spill mula sa naturang bangka.