Nakahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) sakali man na humiling ng karagdagan at mas malaking barko ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para iskortan ang mga bangka para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin shoal kasunod ng water cannon incident noong nakalipas na linggo.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, bukas si PCG Commandant Admiral Artemio Abu na mag-deploy ng karagdagang mga barko para suportahan ang resupply mission at kung kinakailangan ay idedeploy aniya ang 97-meter vessel na isa din aniya sa kanilang kinokonsidera.
Payag din ang PCG na mag-deploy ng offshore patrol vessel na mas malaking kumpara sa 44-meter na dinedeploy noon.
Ang naturang pahayag ng PCG ay kasunod na rin ng nangyaring pagharang at pambobomba ng China Coast Guard sa resupply boats ng Pilipinas sa mga tropa ng Pilipinas na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin shoal.