Ipapakalat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang pinakabago at pinakamalaking sasakyang-pandagat sa katubigan ng Central Visayas para paigtingin ang maritime security nito sa lugar.
Ang bagong nakuhang sasakyang pandagat na ipapakalat ay ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), isang multi-role response vessel (MRRV) at isa sa pinakamalaki, at pinaka-modernong sasakyang-dagat na pinatatakbo ng PCG.
Ipapakalat ng PCG ang barko hindi lamang sa karagatan ng Central Visayas, kundi maging sa Negros Oriental.
Ayon kay PCG Lt. Niño Jhanus Aniban, commander ng Coast Guard Station-Negros Oriental, ang deployment ng sasakyang pandagat sa rehiyon ay bahagi ng regular na pagsasagawa ng maritime patrol upang paigtingin ang pagpapatupad ng maritime security.
Ibinunyag ni Aniban na pansamantalang dadaong ang barko sa daungan ng Dumaguete City mula ngayong araw Abril 27 hanggang 30.
Sa nasabing panahon, sinabi ni Aniban na ang mga opisyal at tripulante ng BRP Teresa Magbanua ay magho-host ng open house sa lahat ng maritime stakeholders, local government units ng Negros Oriental, at iba pang interesadong indibidwal upang ipakita ang pinakabago at pinakamalaking sasakyang-pandagat ng PCG.