Magdedeploy ang Philippine Coast Guard ng barko upang magpatrolya para itaboy ang mga pinaghihinalaang Chinese maritime militia vessels na nakita sa Iroquois Reef at Sabina Shoal sa loob ng exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela ang pahayag sa gitna ng pag-aalala na ang Chinese maritime militias ay maaaring maging panimula sa iligal na pagkuha ng China sa lugar.
Aniya, ang Philippine Coast Guard ay gagawa din ng mga hakbang upang mas paigtingin pa ng mga sasakyang-pandagat ang pagtataboy sa mga Chinese Maritime Militia mula sa nasabing karagatan.
May kabuuang 48 Chinese fishing vessels kasi ang namataan kamakailan sa Iroquois Reef, ayon sa ulat ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Natagpuan din ng AFP ang mga Chinese maritime asset malapit sa Sabina Shoal, partikular ang tatlong Chinese Coast Guard ship at dalawang People’s Liberation Army-Navy vessels.
Nauna nang sinabi ni Tarriela na ang presensya ng Chinese maritime militias ay maaaring pasimula sa iligal na pananakop ng China sa lugar
Inaangkin ng China ang halos lahat ng lugar sa West Philippine Sea, sa pamamagitan ng nine-dash line nito.
Ngunit hinamon ng Pilipinas ang paghahabol ng China sa Permanent Court of Arbitration, na kalaunan ay nagpawalang-bisa sa paghahabol ng China.