-- Advertisements --

Muling iginiit ng Philippine Coast Guard na walang ginagawang anumang hakbang ang Pilipinas para i-provoke ang China sa isyu sa West Philippine Sea.

Ito ang binigyang-linaw ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela kasunod ng mga pinakawalang propaganda nanaman ng China kaugnay sa ikinasang Multilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas, Australia, Japan, at America sa naturang pinag-aagawang teritoryo.

Aniya, hindi tamang isipin na ang ganitong uri ng pagsasanay ng Pilipinas kasama ang iba pang mga kaalyado nating mga bansa ay layuning inisin lamang ang China at mas pataasin pa ang tension sa naturang teritoryo.

Kahit noong mga panahon pa raw kasi na hindi pa nagsisimulang palalimin ng ating bansa ang security alliance nito sa Estados Unidos ay ganito na aniya talaga ang ugali ng China.

Kung maaalala, una rito ay sinabi ng China na paglabag umano sa Code of Conduct of Parties ang naturang aktibidad na sumasagasa umano sa kanilang karapatan at soberanya sa naturang lugar na nasa loob naman ng exclusive economic zone ng Pilipinas na pilit na kinakamkam ng nasabing bansa.