-- Advertisements --

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kumpiyansa na makatutulong ang ipinatupad na ceasefire sa pagpapabuti ng suplay ng langis at sa kalagayan ng mga Pilipinong seafarer na naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Pangulo, bahagi ng napagkasunduang ceasefire ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, na mahalaga sa pandaigdigang kalakalan ng langis. 

Dahil dito, inaasahang makakabalik na sa normal na operasyon ang libo-libong seafarer na na-stranded at matagal na naghintay upang makadaan o makaalis sa naturang lugar.

Dagdag pa niya, inaasahan ding maipagpapatuloy ang pagpasok ng mga suplay na naantala dahil sa krisis. 

Binanggit din ng Pangulo ang naging kasunduan sa Iraq, kung saan pinayagan ang mga barkong may watawat ng Pilipinas na makadaan, kabilang ang mga suplay na patungong bansa.

Tiniyak ni Pang. Marcos na gagamitin ng pamahalaan ang dalawang linggong ceasefire upang mapalakas ang suplay ng petrolyo sa Pilipinas at mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga seafarer.

Umaasa rin ang Pangulo na magtutuloy-tuloy ang tigil-putukan kung magiging maayos ang negosasyon, dahil aniya, hangad ng lahat ng panig na matapos na ang kaguluhan.

Samantala, sinabi ni Marcos na posibleng makaapekto ang ceasefire sa pagbaba ng presyo ng langis, bagamat aminado siyang maaaring hindi sapat ang dalawang linggo upang agad itong maramdaman dahil sa pabago-bagong sitwasyon ng merkado.

Gayunpaman, kung magpapatuloy ang tigil-putukan at gaganda ang sitwasyon, inaasahang susunod din ang pagbaba ng presyo ng petrolyo.