DAVAO CITY – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kapag natapos na ang pagtatayo ng Samal Island – Davao City Connector Bridge Project, mapapalakas nito ang ekonomiya ng Samal Island gayundin sa Davao City.
Maliban dito, sinabi rin ng pangulo na magbibigay ito ng daan sa pag-unlad ng sitwasyon ng kabuhayan, trabaho, edukasyon at iba pang serbisyo para sa lahat ng residente.
Sa ginanap na groundbreaking ceremony kaninang umaga, pinasalamatan ni Marcos Jr. ang China sa pagsisikap at koordinasyon nito sa Pilipinas para sa nabanggit na infrastructure development program.
Aniya, nagpapakita lamang ito ng matibay at pangmatagalang pundasyon ng bilateral na relasyon at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Sa tulong ng China gayundin sa pagsisikap ng Department of Public Works and Highways, ang tulay ay makakapag-accommodate ng 25,000 sasakyan kada araw at mababawasan ang oras ng biyahe sa pagitan ng Samal at Davao mula 50 minuto hanggang limang minuto na lamang.
Maliban dito, madaling ma-access ng mga turista ang magagandang tourist spots na matatagpuan sa Samal Island.
Tinitignan din ang proyekto na makakatulong sa pagbawi at pagrekober ng lugar dahil sa pandemya.
Sa kabilang banda, ikinatuwa ni Pangulong Marcos ang pangunguna sa groundbreaking ng tulay na una nang pinagsikapan ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.