
Pupulungin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang economic managers nito ngayong linggo para pagpasyahan ang timeline ng pagtanggal ng price ceiling sa 2 klase ng bigas.
Ito ang ibinahagi ni Finance Secretary Benjamin Diokno kung saan ang magiging desisyon aniya ay base sa ilang factors na kanilang ikokonsidera kabilang ang dami ng maaani at inaasahang darating sa bansa na inangkat na bigas.
Pagdating naman sa hakbang na posibleng pag-alis na ng ipinapatupad na price control sa ilang mga produkto gaya ng cap o limitasyon sa presyo ng regular at well-milled rice, sinabi ng kalihim na nakasalalay kay PBBM, na siyang namumuno sa Department of Agriculture, ang desisyon sa gaganaping pagpupulong.
Matatandaan na noong nakalipas na buwan, inaprubahan ni PBBM ang executive order no. 39 na nagmamandato ng P41 na price cap para sa regular milled rice at P45 naman para sa well-milled rice na kalimitang binibili ng mga konsyumer sa hangaring makontrol ang tumataas na presyo ng bigas sa bansa.










