-- Advertisements --

Inatasan ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magsumite ng report kaugnay ng sunod-sunod na power supply disruptions sa Luzon at Visayas nitong mga nakaraang araw.

Kasunod ito ng pagdeklara ng NGCP ng yellow at red alert status mula Mayo 12 hanggang 14, na nagdulot ng pansamantalang pagkawala ng kuryente sa iba’t ibang lugar na nakaapekto sa milyun-milyong konsyumer.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, mahalagang mabigyan ng malinaw at transparent na paliwanag ang publiko hinggil sa mga insidenteng nagdulot ng kakulangan sa suplay ng kuryente.

“The public deserves a full and transparent accounting of the incidents that led to these grid alerts,” ani Garin.

Sa hiwalay na pahayag, tiniyak naman ng NGCP na susunod ito sa kautusan at magsusumite ng mga kinakailangang ulat habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naging problema sa grid system.

Ayon sa NGCP, nakatuon sa ngayon ang kanilang operasyon sa pagpapanatili ng katatagan ng Luzon at Visayas grids habang hinihintay ang normalisasyon ng suplay ng kuryente.

Kabilang sa hinihinging detalye ng DOE mula sa NGCP ang eksaktong oras at lawak ng mga alert declaration, ugat ng problema sa grid, listahan ng mga planta at transmission facilities na nagkaroon ng forced outages o derating, reserve at demand levels noong panahon ng insidente, at hakbang na ginawa upang maibalik ang normal na suplay ng kuryente.

Binanggit din ng DOE na obligadong magsumite ang NGCP ng initial report sa loob ng 60 minuto mula sa anumang system disruption alinsunod sa umiiral na regulasyon ng ERC.