Nagpapasalamat si Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa United States government sa mga tulong na kanilang ipinaabot sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad sa Mindanao.
Dalawang US C-130 ang ipinadala ng Indo- Pacific Command dala ang mga tulong para sa mga kababayan nating naapektuhan ng sakuna.
Personal na ipinaabot ng Presidente ang kaniyang taus pusong pasasalamat sa US government ng mag courtesy call sa Palasyo ng MalacaƱang si US Ambassador to the Philippines Marykay Loss Carlson.
Sa pulong nina Pang. Marcos at Carlson, ipinaabot ng US Ambassador na malugod na nagpadala ang Washington ng dalawang C-130s mula sa Indo-Pacific Command (INDOPACOM), sa kabila na hindi ito ang pinaka madali at murang paraan na magpadala ng foreign assistance.
Tiniyak naman ni Carlson kay Pangulong Marcos na nakahanda ang Amerika na tumulong sa Pilipinas kung sila ay kakailanganin.
Bukod sa ipinadalang mga tulong mula sa Indo-Pacific Command,nagbigay na rin ang US government ng nasa US$1.25 million emergency support sa Pilipinas.
Tinukoy naman ni Pang. Marcos ang kahalagahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para sa gagawing disaster relief and response at hinikayat nito ang mga opisyal ng Amerika na gamitin ang mga nasabing facilities.
Sa pagtungo ng Pangulo sa Mindanao nuong nakaraang linggo nagbigay na rin ito ng nasa P265 million halaga ng pinansiyal na tulong sa Davao region para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.