-- Advertisements --

Kaisa siPangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagdriwang ng Eid’l Adha sa mga kapatid nating Muslim kaniyang sinabi na ang sakripisyo ang daan tungo sa tunay na pagbabago at pagkakaisa.

Ipinunto ng Pangulo na ang sakripisyo ay hindi lamang para sa sarili, kundi para rin sa ikabubuti ng buong sambayanan.

Aniya, ang okasyon na ito ay hindi lamang selebrasyon ng pananampalataya kundi isang paanyaya upang tanungin ang sarili kung anong mga bagay ang handang isuko para sa ikabubuti ng mas nakararami. 

Giit pa ng Pangulo, ang sukatan ay hindi sa dami ng ibinigay, kundi sa kung anong mga pagpapahalaga ang naibalik gaya na lamang ng dangal, katarungan, at malasakit.

Hinikayat ng Pangulo ang bawat mamamayan na yakapin ang diwa ng pagkakaisa at pagbabalik-loob, lalo na sa harap ng mga hamon ng panahon. 

Bukod dito, binigyang-pugay din ni Pangulong Marcos ang diwa ng banal na okasyon na ito ng mga Muslim bilang inspirasyon sa patuloy na pagsusumikap tungo sa makatarungan at makataong lipunan.