-- Advertisements --

Bumiyahe na patungong Canberra, Australia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaninang umaga para magsalita sa Australian Parliament batay sa naging imbitasyon ni Governor-General David Hurley.

Magugunita na bumisita si Hurley sa Pilipinas at dumalo sa inagurasyon ni Pang. Marcos nuong 2022 bilang kinatawan ng Australia.

Binigyang-diin ng Pangulo na umaasa siyang magdadala ng matatag na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Australia na tumagal na ng 70 taon.

Sinabi ng Pangulong Marcos na ang kaniyang pagbisita sa Canberra ay isang ganti lamang sa ginawang state visit ni Australian Prime Minister Anthony Albanese sa Pilipinas at kaniya din itong paraan para iparating ang malakas na commitment ng Pilipinas sa partnership at pakikipag-kaibigan sa Australia.

Palalakasin pa ng Pilipinas at Australia ang lumalaking relasyon ng dalawang bansa partikular sa defense and security.

Aniya magkakaroon din ng oportunidad ang Pilipinas na palawakin pa ang kooperasyon sa Australia matapos ang paglagda sa tatlong kasunduan.

Nais din ng pangulo na maging tulay na magku-kunekta sa dalawang democratic maritime nations.

Nakatakda namang bumalik ng bansa bukas si Pang. Marcos.

Itinalaga ng Pangulo si Vice President Sara Duterte bilang Officer-in-charge habang wala sa bansa ang Pangulo.