Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maging libre na lamang para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang pagkuha ng overseas employment certificate (OEC).
Inatasan ng chief executive ang Department of Migrant Workers (DMW), Bureau of Immigration at Department of Information and Communications Technology na gumawa na ng mga hakbang para hindi na magbayad ang mga Pinoy OFWs sa pagkuha ng nasabing certificate.
Inihayag ni Migrant Workers Secretary Toots Ople na isang mobile app ang kanilang ilulunsad sa pakikipagtulungan ng DICT para hindi na mahirapan ang mga OFWs na kumuha ng OEC certificate at maging ng OFW Pass.
Ayon kay Sec. Ople, hinihintay na lamang nila ang approval ng DICT para sa opisyal na paglulunsad ng “DMW Mobile App” upang matiyak ang cybersecurity features nito.
Naniniwala si Pang. Marcos na ang nasabing mobile application ay simple at epektibong digital solution hinggil sa mga problema na kinakaharap ng mga OFWs na kumukuha ng OEC certificate at OFW Pass na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.