Nananawagan ng pakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Muslim community sa paggunita ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng buwan ng Ramadan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBBM na ito ay hindi lamang pagtatapos ng Ramadan kundi isang pagkakataon upang magbigay-daan sa mas disiplinado at mapagpalang pamumuhay.
Kasabay ng pagdiriwang, umaasa ang Presidente na ang mga Muslim ay magiging huwaran ng pagpapakumbaba, kapayapaan, at katatagan sa kabila ng mga hamon ng buhay.
Naniniwala rin si Pangulong Marcos na sa kabila ng mga pagkakaiba sa paniniwala at pilosopiya, magpapatuloy ang pagmamahalan at mananatiling iisa ang hangarin tungo sa kaunlaran at pagpapatatag ng bansa.
Matatandaang idineklara ni Marcos bilang regular holiday ang paggunita ng Eid’l Fitr o Feast of Ramadhan (Abril 10) sa pamamagitan ng Proclamation No. 514, batay na rin sa rekomendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).
Sa ganitong paraan, ayon sa Pangulo, mabibigyan pagkakataon ang sambayanan na makiisa sa mga Filipino Muslims sa paggunita ng nasabing okasyon.