-- Advertisements --

Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na ipinapakita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaniyang malasakit sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtaas sa buying price ng palay.

Sinabi ni Speaker Romualdez makatutulong sa mga magsasaka at sa pagpapanatili ng presyo ng bigas ang pagtaas ng buying price ng palay.

Itinakda ng National Food Authority Council, na pinamumunuan ni Marcos ang bilihan ng tuyong palay sa halagang P19-P23 kada kilo at P16-P19 kada kilo naman para sa basang palay upang matiyak na kikita ang mga magsasaka.

Ayon kay Romualdez ang hakbang na ito ng gobyerno ay titiyak na kikita ang mga magsasaka ng hindi naaapektuhan ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na handa itong suportahan ang NFA Council at mayroong nakahandang P15 bilyon para sa pagbili ng palay.

Nanawagan din si Speaker Romualdez ng dagdag na suporta sa mga magsasaka upang maparami ng mga ito ang kanilang produksyon at hindi na kailanganin pang mag-angkat ng bigas ang bansa.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na ang mga dayuhang magsasaka ang kumikita kapag nag-aangkat ng bigas ang bansa na nagpapahirap naman sa mga pagsasaka.

Kung kakailanganin man umanong mag-angkat ng bigas ng bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na mahalagang masiguro na mayroong mga safety net gaya ng pagbili ng palay sa magandang presyo upang malimitahan ang epekto nito sa mga magsasaka.

Iginiit rin ni Speaker Romualdez na kung sapat ang suplay, mas makatitiyak ang mga konsumer na hindi tataas ang presyo nito at kikita ang mga magsasaka.