Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang Philippine Space Week ang Agosto 8 hanggang 14 kada taon sa layuning maimulat sa mga Pilipino ang kamalayan sa outer space.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Proclamation No. 302 sa ngalan ni PBBM noong Hulyo 25 subalit ngayong araw lamang isinapubliko.
Ang paobserba sa Philippine Space Week ay nataon sa pagsasabatas ng Philippine Space Act na nilagdaan noong Agosto 8, 2019.
Naka-highlight sa naturang proclamation ang mahalagang impluwensiya ng space science at teknolohiya sa socio-economic development ng ating bansa.
Nakasaad din na mayroong pangangailangan na maitaguyod ang space awareness, ipagdiwang ang mahalagang ambag ng mga Pilipino sa buong mundo sa larangan ng space science at maisama ito sa value, benefits at impacts ng space science at technology applications sa buhay ng bawat Pilipino.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang Philippine Space Agency na ipromote ang pagobserba ng Philippine Space Week at tukuyin ang mga programa, proyekto at mga aktibidad para sa pag-obserba ng naturang okasyon.
Ipinag-utos din ni Pangulong Marcos sa mga ahenisya ng gobyerno kabilang ang government-owned or -controlled corporations, state universities and colleges, local government units, non-government organizations at private sectors na aktibong makibahagi sa mga aktibidad ng Philippine Space Week.