Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagkaroon na ng pag-uusap ang PH at Vietnam kaugnay sa kasunduan sa kanilang territorial claims sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West Philippine Sea.
Isiniwalat ito ng Pangulo kasabay ng farewell call ni Ambassador Hoang Huy Chung ng Socialist Republic of Vietnam to the Philippines sa Malacañang ngayong araw ng Huwebes, Agosto 10.
Ayon sa Palasyo Malacanang, hindi naman umano nagbigay pa ng anumang detalye ang Pangulo bagamat kumpiyansa ito na ang naturang kasunduan ay magbibigay ng stability sa rehiyon.
Nagpahayag din ang Pangulo ng pasasalamat sa Vietnamese envoy sa paglalapit pa ng diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam at sa nagawa nitong progreso sa iba’t ibang diplomatic areas partikular na sa kalakalan.
Kamakailan nagpahayag din ng suporta ang Vietnamese envoy sa United Nations Convention on the Law of the Sea framework para maayos na maritime dispute sa pinagtatalunang karagatan kung saan mayroon ding claims ang Vietnam sa ilang disputed territories.
Kung matatandaan noong 2015, bumuo ang Pilipinas at Vietnam ng isang strategic partnership para mapag-ibayo ang maritime cooperation kabilang ang joint activities sa disputed water salig sa framework ng domestic at international law.