Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang world leaders na agarang i-operationalize o paganahin ang Loss and Damage Fund na pinagtibay kamakailan sa 28th Conference of Parties (COP28).
Sa mensahe ng Pangulo na ipinaabot ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo Jr., inihayag ng Pangulo ang paghahayag ng intensiyon ng bansa na mag-host ng Loss and Damage Fund.
Ang naturang pondo ay magmumula sa pinagsama-samang kontribusyon ng developed countries na mayroong mataas na carbon emissions. Layunin nito na masaklaw ang pagpopondo na kailangan para matulungan ang developing countries at vulnerable na mga bansa na matugunan ang tagtuyot, baha at tumataas na sea levels dulot ng climate change.
Kaugnay nito, hinimok ng punong ehekutibo ang mga partner ng bansa mula sa private sector, civil society, partner countries, mga gobyerno and developing funding institutions na suportahan ang Pilipinas sa isinusulong nito.
Ayon pa sa Pangulo, para sa Pilipinas ito ay hindi lamang isang isyung pangkapaligiran kundi isang usapin ng survival ng isang bansa.
Bagamat mas mababa lamang sa isang porsyento ang naiaambag ng carbon emissions ng PH sa kabuuan sa buong mundo, isa naman ang ating bansa sa madalas na tamaan ng tagtuyot at mga bagyo.