Kapwa umaasa Sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at German Pres. Frank-Walter Steinmeier na magiging pangmatagalan ang tigil putukan sa pagitan ng Amerika at Iran.
Tugon ito ng dalawang lider matapos hingan ng reaksiyon kasunod ng anunsiyo na ceasefire ng dalawang bansa upang wakasan na ang digmaan at muling buksan ang Strait of Hormuz.
Ayon kay Pres. Steinmeier, mahalagang hakbang ang anumang pagsisikap tungo sa kapayapaan.
Giit ng German leader, malaki ang epekto ng pagsasara ng Strait of Hormuz sa presyo ng pagkain, pataba, at kabuhayan ng maraming tao sa buong mundo.
Sa panig naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umaasa siyang tuluyang maipapatupad ang kasunduan, kabilang ang pagtigil ng labanan at pagbubukas muli ng mahalagang rutang pandagat ang Strait of Hormuz.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, nararamdaman ng Pilipinas at iba pang bansa ang epekto ng kaguluhan sa ekonomiya at pagtaas ng presyo ng langis.
Naniniwala si Pangulong Marcos na magdudulot ang kasunduan ng pangmatagalang kapayapaan at pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng digmaan.
















