Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumalakas ang pagkadismaya ng mga lider ng ASEAN dahil sa mabagal na progreso sa pagresolba sa krisis sa Myanmar.
Sinabi ni Marcos na isa ang Myanmar sa mga pangunahing natalakay sa closed-door retreat session ng mga lider ng rehiyon, kung saan ilang miyembrong bansa ang nagpahayag ng frustration sa hindi umuusad na peace process.
Ayon sa Pangulo, nagkakaisa umano ang ASEAN leaders na kailangan nang magkaroon ng mas konkretong hakbang upang mapagalaw muli ang proseso ng pag-normalize ng sitwasyon sa Myanmar.
Tinawag din ni Marcos na isang “thorny problem” ang sitwasyon dahil wala pa umanong malinaw na solusyon sa nagpapatuloy na political at humanitarian crisis sa naturang bansa.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na hindi pa rin isinasantabi ng ASEAN ang mga pangunahing prinsipyo nito kabilang ang pagrespeto sa human rights, rule of law, at ang Five-Point Consensus na matagal nang itinutulak bilang framework para maresolba ang kaguluhan sa Myanmar. (report by Bombo Jai)
















