Umapela sa Korte Suprema ang isang religious group para hilinigin na payagan ang OFW na si Mary Jane Veloso na mag-testimonya laban sa recruiters nito na sangkot umano sa drug trafficking.

Nanawagan ang Promotion of Church People’s Response (PCPR) sa mga mahistrado matapos itakda ng Nueva Ecija Regional Trial Court ang huling hearing ng kaso sa Huwebes, October 3.

Ayon sa grupo, makakatulong ang ano mang desisyon mula sa korte para masiwalat ni Veloso ang iligal na gawain ng recruiters nito na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

“Now our hope and prayer is for the Supreme Court to find or make a way for Mary Jane Veloso to testify in the case against her accused traffickers,” ayon sa PCPR.

“We pray that the Supreme Court will make a way for her and others like her, in the future.”

Kung maalala, hinarang ng Court of Appeals ang pagpayag noon ng RTC na mag-testimonya si Veloso mula sa kanyang prison cell sa Indonesia.

Para sa PCPR, malaking pagkakataon para maligtas mula sa death row si Veloso kung papayagan ito ng korte na depensahan ang sarili.

Taong 2010 nang maharang sa palipara ng Indonesia ang Pinay matapos madiskubre ang bitbit nitong 2.6-kilo ng heroin sa kanyang bagahe.