-- Advertisements --

Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makikinabang ang mga Pilipino sa itatayong Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City, Tarlac, na inaasahang magiging sentro ng artificial intelligence (AI) manufacturing at logistics sa bansa.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, ibinida ng Chief Executive na ang 1,600-ektaryang industrial hub ay lilikha ng isang AI ecosystem na magbibigay ng de-kalidad na trabaho, magpapalakas sa kakayahan ng industriya ng Pilipinas, at magpapasigla sa ekonomiya.

Ayon pa sa Pangulo, magiging mahalagang bahagi ang proyekto ng Luzon Economic Corridor na siya namang magsisilbing advanced manufacturing sa global AI at ‘technology value chain’.

Gayunpaman, umani ng batikos ang proyekto dahil sa inaasahang malaking konsumo nito sa kuryente at tubig na karaniwang kailangan ng mga AI facilities.

Kinuwestiyon din ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang proyekto.

Ayon sa kanya, posibleng maging bahagi lamang umano ang Pilipinas ng supply chain para sa military-industrial complex ng Estados Unidos sa ilalim ng Pax Silica initiative.

Iginiit ni Tinio na sa halip na tunay na pag-unlad ng ekonomiya, maaari pa aniya itong magsilbi bilang estratehikong interes ng Amerika sa paggawa ng semiconductors at iba pang advanced electronics na maaaring gamitin sa military applications.