-- Advertisements --

Isinusulong ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na mabigyan ng luwag ang mga umuupa ng tirahan sa pagbayad ng kanilang renta sa gitna ng pandemya.

Inihain ni Salceda ang House Bill No. 7655 o ang Rent Relief Act of 2020, para gawing available na option ang rent refinancing para sa mahigit 2 million kataong nangungupahan sa bansa.

Hangad din ng panukalang ito ni Salceda na gawing tatlong buwan ang eviction moratorium upang sa gayon ay mabigyan nang pagkakataon ang mga tenants at landlords na makapag-renegotiate ng base sa mga available na options na nakapaloob sa proposal na ito.

Sa ngayon, sinabi ni Salceda na tinatayang nasa 93,000 households ang posibleng mapalayas sa kanilang inuupahang tirahan bunsod nang hindi pagbabayad ng renta, gayundin nang pagtaas nang bilang ng mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Sa ilalim ng kanyang panukala, inaatasan ang Social Security System (SSS), the Government Service Insurance System (GSIS), at Pag-IBIG Fund na magbigay ng abot-kayang rent financing loans sa kanilang mga miyembro.

Maging ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ay inaatasan din na mag-alok ng rent refinancing loans at rates ng hindi lalagpas sa kanilang lowest-yielding loans.

Sa ganitong paraan, ang bangko ang siyang magbabayad sa renta sa bahay ng kahit hanggang sa loob ng isang taon, na maaring bayaran naman ng tenant sa mas mahabang panahon.