-- Advertisements --

Kinukonsidera ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang taasan nang paunti-unti ang passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ilang pag-aaral na ang sinimulan ng kagawaran para malaman kung paano pa madagdagan ang passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan na hindi naman nasasakripisyo ang health at safety standards.

Sinabi ni Tugade na handa na rin naman ang mga public transport stakeholders na taasan ang kanilang kapasidad, pero ang pinal na desisyon ukol dito ay nakasalalay pa rin sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID).

Sa kasalukuyan, sa NCR Plus, nakatakda sa 50% ang pinapayagang kapasidad sa mga pampublikong sasakyan.

Kamakailan lang, kumalat sa social media ang mga litrato nang mahabang pila sa EDSA Bus Carousel Stations, na ayon sa DOTr ay resulta nang masamang lagay ng panahon noong mga araw na ito.

Bilang sagot dito, sinabi ni Tugade na kanilang babalikan ang libreng sakay na ibinibigay sa mga mananakay para kung sakali ay mapalawak pa ito sa iba pang mga platforms bukod sa EDSA Busway.