-- Advertisements --

Suportado ng House prosecution panel ang panukalang ilipat sa alas-3:00  ng hapon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at gawing dagdag na trial day ang Biyernes upang mapabilis ang paglilitis.

Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers, maaaring ilaan ang umaga sa legislative work ng mga senador at kongresista, habang impeachment trial naman ang gagawin mula alas-3 ng hapon.

Iminungkahi rin ni Barbers na gamitin ang Biyernes bilang dagdag na araw ng paglilitis, habang mananatiling nakalaan ang Huwebes para sa mga Senate committee hearing.

Dahil dito, masusulit umano ang oras na nawala matapos kanselahin ang mga pagdinig nitong Martes at Miyerkules dahil sa masamang panahon.

Sa kasalukuyang iskedyul, isinasagawa ang impeachment trial mula Lunes hanggang Miyerkules, alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Sinabi ni Barbers na makatutulong ang dagdag na araw upang hindi umabot ng ilang buwan ang paglilitis at matapos ito sa lalong madaling panahon.

Sinuportahan naman ni Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan, ang 3 p.m. na pagsisimula ng trial upang maisagawa muna ng dalawang kapulungan ang kanilang legislative at committee work sa umaga bago magpatuloy sa impeachment proceedings.