Nilinaw ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na bagama’t igagalang ng House of Representatives ang Office of the Vice President (OVP) sa pagtalakay ng panukalang badyet nito para sa 2027, hindi ito nangangahulugang malilibre ang ahensya sa masusing pagtatanong ng mga mambabatas.
Ayon kay Adiong, may kaukulang paggalang at courtesy ang Kamara sa OVP, ngunit hindi dapat maging dahilan ito upang hindi na kuwestyunin ang mga usapin na may kaugnayan sa hinihinging pondo ng tanggapan.
Kasunod ito ng paghahanda ng Kamara para sa pagdinig sa panukalang P785.2 milyong budget ng OVP para sa 2027, na mas mababa kumpara sa P889.23 milyong pondo nito ngayong taon.
Sinabi rin ni Adiong na inaasahan at umaasa ang Kamara na personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa budget deliberations, dahil karapatan aniya ng mga kinatawan ng taumbayan na magtanong tungkol sa paggamit at pangangailangan ng pondo ng isang ahensya.
Nakatakdang talakayin ng House Committee on Appropriations ang panukalang budget ng OVP sa Setyembre 2, kung saan nakalista bilang kinatawan ng tanggapan si Chief of Staff Zuleika Lopez.
Matatandaang naging sentro ng mga nakaraang budget hearings ang paggamit ng pondo ng OVP, kabilang ang confidential funds, na isa rin sa mga usaping nakapaloob sa kasalukuyang impeachment trial laban kay Vice President Duterte sa Senado.
















