
Tiniyak ng Philippine National Police na tuluy-tuloy ang kanilang ginagawang pagtugis sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-iisipan pa nito kung pahihintulutan ba o hindi ang pagpapatuloy ng operasyon ng POGO sa bansa sa kabila ng mga pagkakasangkot nito sa ilegal na gawain sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., patuloy ang kanilang pakikipag-negosasyon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ukol dito.
Layon nito na alamin kung ano-anong POGO companies ang mayroong lisensya at wala na ilegal na nag o-operate dito sa Pilipinas.
Ngunit bukod aniya sa buong hanay ng PNP ay katuwang din nila ang iba pang law enforcement agencies sa bansa sa pagsugpo sa ilegal na operasyon nito.
Kung maaalala, una nang iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na mula sa 368 unlicensed POGO workers ay naipadeport na ang nasa 156 foreigners na ilegal na nagtatrabaho rito.
Sa datos, ito ay katumbas ng 42% ng deportation implementation rate ng nasabing ahensya.










