BG 3 1
-- Advertisements --

Umaapela si Sen. Bong Go sa gobyerno para patuloy at mas malakas na proteksyon ng mga consumers habang unti-unting nagbubukas ang mga negosyo na nagsara o natigil ang operasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Sen. Go, habang nagbubukas ang ilang sektor ng ating ekonomiya, dapat patuloy na palakasin pa ang mga proteksyon para sa kapakanan ng mga konsumer para mapagaan ang kanilang pinapasan lalo na sa panahon ng pandemya.

Ayon kay Sen. Go, kailangan ng mga mamimili ng proteksyon lalo na at limitado pa ang kanilang kita dahil ngayon pa lamang sila nakababalik ng trabaho habang ang iba naman ay hindi pa pinapayagang makabalik ng trabaho o hanapbuhay.

Una ng sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez na mahigpit nilang babantayan ang presyo ng mga produkto at serbisyo na ibinebenta sa online para matiyak na protektado ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantalang negosyante at maanomalyang business practices sa internet.

“Mas palakasin pa dapat ng mga concerned agencies ang kanilang price monitoring operations upang walang magtangkang magsamantala sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa,” ani Sen. Go.

-- Advertisement --