Patuloy ang paghahanap ng New York City ng mga ventilators na ipagagamit sa mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus infectious disease o COVID-19.
Ito’y matapos makapagtala ng 630 coronavirus deaths ang estado na naging dahilan para lumobo sa 3,565 ang mga taong namatay dahil sa virus.
Ayon kay Governor Andrew Cuomo, posible pa raw na tumaas ang bilang nang madadapuan ng sakit sa loob lamang ng apat hanggang 14 na araw.
Labis naman ang pasasalamat nito sa China sa pagpapadala ng 1,000 ventilators na inaasahang dadating ngayong araw habang 140 ventilators naman ang hinihintay mula Oregon State.
Sa isinagawang coronavirus briefing ni US President Donald Trump, sinabi nito na sinigurado niya kay Cuomo na matatanggap ng New York ang mga resources na kanilang kakailanganin.
Gayunpaman, ang ipamimigay na federal assistance ay naka-pokus lamang sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng nakamamatay na virus.