-- Advertisements --

Nilinaw ng kampo ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nakadisenyo ang House rules para harangin si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at mga supporters nito na makibahagi sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara.

Ginawa ni Deputy Speaker Neptali Gonzales II ang pahayag na ito sa gitna ng mga balita na ilang kongresista ang hindi pinayagan na ma-unmute ang kanilang sarili sa video teleconferencing sa kasagsagan ng plenary session.

“The rules governing the virtual session [were] not designed against the Velasco group. It was not designed for that. It was designed to make Congress respond to its legislative task na because of the COVID-19 pandemic,” ani Gonzales.

Mababatid na dahil sa health at lockdown protocols na inilatag ng pamahalaan bunsod ng COVID-19 pandemic, gumagamit ang Kamara hanggang sa kasalukuyan ng videoconferencing software na Zoom upang maipagpatuloy nila ang kanilang trabaho.

Binawasan din ang bilang ng mga kongresistang pinapayagang pumunta ng personal sa plenary session.

Pero ayon kay Buhay party-list Rep. Lito Atienza, pinipili lamang ng liderato ng Kamara kung sinusino ang pinapayagan na magpunta sa session hall.

Nagreklamo rin ito hinggil sa pagpatay sa mikropono sa maraming mga kongresista sa Zoom noong pinagbotohan ang termination ng deliberation sa 2021 General Appropriations Bill.