CAUAYAN CITY – Nalulugi na umano ang ilang patahian ng mga school uniform dahil halos wala na umanong mga batang nagpapatahi ng kanilang uniporme isang buwan bago ang pasukan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ginang Dianne Gatiwan, residente ng Rizal, Santiago City at nagmamay-ari ng isang patahian sinabi niyang ito na ang pinakamatumal na taon na naranasan nila sa kanilang negosyo.
Kung dati ay halos abutin ng libo ang nagpapatahi sa kanila ng uniporme at nagpapagawa ng mga logo sa ngayon ay kakaunti na rin ang kanilang mga kostumer.
Isa sa dahilan ng pagkakalugi ng kanilang negosyo ay ang isinusulong ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte sa DepEd na hindi sapilitan ang pagsusuot ng mga school uniform ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan .
Ang layunin umano ng panuntunan ay upang mabawasan ang gastusin ng pamilya ng mga mag-aaral.
Humiling ang mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga patahian na sana ay mabigyan din sila ng subsidy lalo’t apektado ang kanilang industriya.
Tuwing pasukan lamang sila kumikita ng malaki ngunit ngayon ay halos palugi na ang kanilang negosyo dahil sa kakulangan ng demand.
Kanya-kanyang diskarte na lang sila upang kahit paano’y hindi bumagsak ang kanilang mga pinagkakakitaan.
Sa ngayon ay wala naman umano silang magagawa kundi magtiis muna sa kaunting kita.