CAGAYAN DE ORO CITY – Pumanaw na ang 54-anyos na lalaking pasyente na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) habang ginagamot sa Northern Mindanao Medical Center (NMMC) kagabi.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo at kinumpirma na rin ng Department of Health (DOH), namatay na si Patient No. 40 na nagmula sa Ganassi, Lanao del Sur at unang na-admit sa Adventist Medical Center bago sa NMMC sa Cagayan de Oro City.
Sinasabing hindi nakayanan ng pasyente ang dinaranas nitong acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia.
“The DOH today confirm one (1) new death among the confirmed cases of COVID-19. This brings the total number of COVID-19 mortalities in the country to six (6),” bahagi pa ng anunsiyo ng DOH. “Patient PH40 expired late evening of March 13 from Acute Respiratory Distress Syndrome due to Severe Pneumonia with concomitant Acute Kidney Injury. Patient was admitted at the Northern Mindanao Medical Center last March 3 after onset of symptoms last February 24.”
Una nang kinumpirma ni Dr. Chan na mas lumalala ang kalagayan ng pasyente habang ginagamot sa ospital.
Sa ngayon, napagdesisyunan ng bahay-pagamutan na isailalim sa 14-day quarantine ang mga health personnel na nagbantay at nag-alaga sa namatay na pasyente.
Gayuman, inamin ng NMMC na ilan sa kanilang health personnel ang sumailalim na sa home quarantine.
Ito’y matapos nakaranas ng sintomas ng COVID-19 lalo pa’t isang pasyente na nagpositibo sa naturang virus ang naka-confine sa nasabing pagamutan.
Ngunit nilinaw ni NMMC chief Dr. Jose Chan na walang dapat ikabahala ng publiko dahil normal sa kanila ang posibilidad na mahawaan lalo pa’t walang pinipili ang COVID-19.
Tiniyak naman nito na mahigpit nilang imo-monitor ang kalagayan ng kanilang mga health personnel upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Napag-alaman na tatlo pang “person under investigation” ang naka-confine sa NMMC na pawang nakaranas sila ng severe acute respiratory infection.