-- Advertisements --

Kinumpirma ng mga opisyal mula Osaka Prefecture na muling nagpositibo ang isa sa kanilang mga pasyente sa COVID-19 matapos nitong gumaling mula sa naturang sakit.

Ang 40-anyos na babae ay isang tour guide na nakatira sa Osaka, Japan. Nahawa umano ito sa mga turista na galing sa Wuhan, China na nakasama nito loob ng bus. Enero 29 nang ilabas ng mga health officials ang resulta ng mga naturang turista kung saan nagpositibo raw ang mga ito sa coronavirus.

Kalaunan ay nakalabas na ng ospital ang 40-anyos na babae at idineklarang coronavirus-free noong Pebrero 6.

Ngunit noong Pebrero 19 nang makaramdam umano ito ng pananakit ng lalamunan at dibdib. Ilang beses din daw itong nagpabalik-balik sa doktor at doon nakumpirmang positibo uli ito sa coronavirus.

Nang malaman ang kaniyang kalagayan ay kaagad daw itong nagsuot ng mask at nanatili sa kaniyang bahay upang hindi na makahawa pa. Ilang araw lamang ay dinala na ito sa isang ospital sa Osaka para gamutin.

Hinihinala ngayon ng mga doktor na posibleng dumami ang virus sa loob ng katawan ng tour guide kung kaya’t nagkasakit uli ito.