Simula nga sa Lunes ay dodoblehin na ng MRT Line 3 (MRT-3) ang kapasidad ng kanilang bumibiyaheng tren araw-araw sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Department of Transportation (DoTr) Arthur Tugade, kasunod na rin daw ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang rekomendasyon ng economic development council na tulungang maka-recover ang ekonomiya.
Kaugnay nito tataasan na rin ang maximum passenger capacity sa mga bibiyaheng tren.
Mula sa 13 percent ay gagawin na itong 30 percent capacity o mula sa 51 pasahero kada bagon o 153 kada tren ay magiging 124 na ang pasahero ng kada bagon o 372 kada tren.
Ayon naman kay Engr. Michael Capati, director for operations ng MRT 3, asahan pa raw na sa mga susunod na araw ay magdadagdag na sila ng mga bibiyaheng tren.
Ito ay para mapaiksi pa ang waiting time ng mga pasahero at mapabilis ang kanilang mga biyahe.
Sa kabila nito, tiniyak ng DoTr na masusunod pa rin ang maximum health protocols sa pagsakay ng mga tren.
Pinapaalala ng DOTr ang mahigpit na pagtalima ng lahat sa mga sumusunod na pitong commandments upang maprotektahan ang ating kalusugan habang nasa loob ng pampublikong sasakyan:
- Magsuot ng face mask at face shield
- Bawal ang pagsasalita, pakikpag-usap o pagsagot ng telepono
- Bawal ang pagkain
- Kailangang may sapat na ventilation
- Kailangang may frequent disinfection
- Bawal magsakay ng symptomatic passenger
- Kinakailangang sumunod sa appropriate physical distancing (one seat apart)
Ang mga health at sanitation protocols na ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng mga health experts na kinakailangang isapuso at sundin ng mga pasahero, driver, konduktor at maging ng mga operator.
Malaki raw ang maitutulong ng kooperasyon at pakikiisa ng publiko sa pagpapatupad ng mga commandments na ito upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.