Ginawaran ng pagkilala sa Senado si Pasig City Mayor Victor Ma. Regis Nubla Sotto o popular din sa tawag na Vico Sotto, dahil sa naiuwi nitong karangalan mula sa U.S. State Department, bilang bahagi ng “12 International Anticorruption Champions.”
Nakasaad sa Senate Resolution No. 657, na inihain ni Sen. Manuel “Lito” Lapid at Senate Resolution No. 660, na isinulong naman nina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Panfilo Lacson, ang pagsaludo sa alkalde dahil sa pagiging huwaran nitong opisyal, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Sa kaniyang sponsorship speech, sinabi ni Lacson na naglagay ng mataas na standard ang Pasig mayor para sundan ng mga opisyal na nasa public service.
Para naman sa tiyuhin ni Mayor Vico na si Senate President Sotto, maituturing na karangalan ng sambayanan ang natamong pagkilala ng kaniyang pamangkin.
“This recognition by the U.S. State Department bestowed upon Mayor Vico Sotto, the only Filipino public servant in the roster of honorees, meaningfully uplifts the morale and dignity of the Filipino people amid the challenging times of global pandemic,” wika ni Sotto.