-- Advertisements --

Isang Indian national ang nahuli ng customs officials sa Mumbai matapos subukang ipuslit ang dose-dosenang makamandag na ahas mula sa Thailand, ayon sa pahayag ng Mumbai Customs.

Ayon sa mga opisyal, natagpuan sa checked-in baggage ng pasahero ang 44 Indonesian pit vipers, tatlong Spider-tailed horned vipers, at limang Asian leaf turtles.

Ipinakita rin ng mga awtoridad ang mga larawan ng mga nasabat na hayop, kabilang ang mga makukulay na ahas na nasa isang timba.

Bagama’t mas karaniwan ang pagkakasabat ng ginto, pera, o ilegal na droga sa paliparan ng Mumbai, may mga naitala ring pagtatangkang magpuslit ng mga hayop nitong mga nakaraang buwan.

Samantala noong Pebrero, nahuli rin ang isang pasaherong may limang Siamang gibbons na nakatago sa loob ng isang crate sa kaniyang bag.
Noong Nobyembre naman ng nakaraang taon, 12 pagong ang nasabat, habang noong Setyembre naman ay dalawang pasahero ang naaresto dahil sa tangkang pagpupuslit ng limang batang caiman, isang uri ng aligator.