-- Advertisements --

 
Isinusulong ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na ang pagbuhay muli ng Philippine National Railways’ (PNR) Bicol Express rail line ay mapabilang sana sa listahan ng 80 high-impact infrastructure projects na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.na mapondohan sa pamamagitan ng   Maharlika Investment Fund (MIF). 

Sinabi ni Yamsuan na sila ay umaasa na isasama ng Pangulo ang muling pagbuhay ng Bicol Express sa listahan ng 80 mga proyektong pang-imprastraktura na mabibigyan ng karagdagang paraan ng financing sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund.

Ayon sa mambabatas ang pagbuhay muli sa Bicol Express, na dating tumatakbo mula Maynila hanggang Albay, ay isang proyektong may malaking epekto na lubos na makikinabang sa mga taga-Bicol at sa iba pang bahagi ng South Luzon.

Sinabi ni Yamsuan na ang proyekto ay naaayon din sa mga priority investment thrust ng MIF na kinabibilangan ng imprastraktura ng turismo na binalangkas kamakailan ng bagong hinirang na presidente at chief executive officer ng Maharlika Investment Corp. (MIC) na si Rafael Jose Consing Jr.

Nanawagan naman ni Yamsuan sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara suportahan ang pagbuhay muli ng Bicol Express project.

Binigyang-diin ni Yamsuan ang mga benepisyo at oportunidad na maibibigay ng proyekto para sa mga mamamayan ng Bicol at mga kalapit na rehiyon.

Kabilang dito ang pagbibigay sa mga commuters ng mabilis, ligtas, abot-kaya, at komportableng paraan ng transportasyon papunta at pabalik ng Bicol; pagpapabilis ng paglago ng ekonomiya at paglikha ng mas maraming trabaho at mga oportunidad sa kabuhayan sa rehiyon; pagpapalakas ng turismo; at pagbabawas ng carbon footprint ng bansa.