-- Advertisements --

Hinikayat ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang Bureau of Corrections (BuCor) na gawing prayoridad ang pagpapabuti sa kapakanan ng mga taong pinagkaitan ng kalayaan (PDLs) partikular ang pagpapaigting sa mga aktibidad na nagbibigay ng kita sa ahensya sa pamamagitan ng joint ventures sa pribadong sektor.

Pinuri ni Yamsuan ang pamunuan ng BuCor sa ilalim ng pamumuno ni Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa pakikipag tulungan nito sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa pagtatatag ng economic zone sa ilang piling mga lugar sa mga penal facilities ng Bucor.

Sinabi ni Yamsuan ang nasabing hakbang ng BuCor ay susi sa pag transform ng bureau tungo sa modern, highly professionalized at self-sustaining agency.

Umaasa naman si Yamsuan, sa sandaling nagsimula nang kumita ang ahensiya sa mga business activities, gagamitin ito para sa benepisyo ng mga persons deprived of liberty.

Kabilang dito ang pagbibigay ng disenteng quarters, sapat at masustansiyang pagkain, de kalidad na medical care at maayos na reformation programs.

Iminungkahi din ni Yamsuan na ang mga qualified PDL ay mabigyan ng pagkakataon na makapag trabaho sa naturang business venture.

Ayon naman kay Catapang ang Bucor ay may kabuuang land assets na 48,783 hectares na maaring i-convert bilang agro- and aqua-culture sites and economic zones.

Sinabi ni Yamsuan ang pagtatatag ng parehong agricultural hub at isang ecozone sa IPPF ay mag complement sa isat isa at maaari pa ngang gawing kontribyutor ang BuCor sa layunin ng pamahalaan na makamit ang seguridad sa pagkain.

Binigyang-diin naman ng Kongresista na ang pagsasama-sama ng BuCor sa iba pang ahensyang inatasang mamahala sa mga kulungan sa bansa at mga serbisyo ng parole and probation ay magtitiyak ng tuluy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensyang sangkot sa pangangasiwa ng hustisya at pamamahala at pangangalaga ng mga PDL.