Binatikos ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa hindi pagbayad nito ng franchise tax sa loob ng 12 taon at ipinasa pa sa consumers ang 3 percent tax na utang sa gobyerno.
Sinabi ni Cong. Reyes na hindi makatarungan ang ginawa ng NGCP kaya panahon na rin na rebyuhin ang prangkisa nito.
Napansin din ni Cong Reyes na batay sa financial statement na ipinadala ng NGCP sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang nasabing ahensiya ay may higit pa na kakayahan na magbayad ng buwis sa prangkisa ngunit pinili pa rin na ipasa ang responsibilidad sa mga mamimili.
Ayon kay Reyes, nakakabahala ang ginagawa ng NGCP gayong ang net income nila ay mahigit Php20 billion bawat taon simula nuong 2011.
Ikinalungkot ng mambabatas ang katotohanan na ang NGCP ay mukhang ganap na kuntento sa pagbabayad lamang ng mga parusa at kulang sa madaliang pagtupad sa kanilang mga obligasyon sa prangkisa.
Dagdag pa ng Party list solon na nakakalungkot dahil maraming penalties na ipinapataw sa kanila, ngunit patuloy na kumikita ang NGCP, kaya naman parang mas gusto na lang nito na magbayad ng penalties kesa kumpletuhin ang mga ipinangakong proyekto, kaya dapat mapanagot ang ganitong mapang-abusong gawain.
Ayon kay Reyes, noong taong 2011, 2013, at 2014 mas mataas pa ang dividend payout ng NGCP kesa sa kanilang net income.