BUTUAN CITY – Walang inaasahang magandang i-uulat ang Partido Manggagawa para sa kanilang sektor sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. mamayang hapon .
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Partido Manggagawa spokesperson Wilson Fortaleza na ito’y dahil wala ring ipinangako ang pangulo para sa kanila sa una nitong ulat sa bayan.
Wala umano silang nakitang kongkretong hakbang na ipinatupad ng pangulo para sa kanila.
Tanging ang bagong logo lamang umano sa ‘Bagong Pilipinas’ campaign ng Malakanyang ang kanilang nakita sa isang taong panunungkulan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Dagdag pa ni Fortaleza, wala rin silang nakitang bagong programa na ipinatupad ng administrasyong Marcos dahil karamihan umano sa mga ito ay noon pang nakalipas na mga administrasyon.
Ang tangi lamang umanong maipagmalaki ng pangulo ay ang Maharlika Investment Fund Act na hindi kaagad mapakinabangan ng mga Filipino sa ngayon.










