-- Advertisements --

Inilarawan ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V bilang “Exciting” at “Explosive” ang nakatakdang presentasyon ng ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.

Hinimok ni Ortega ang publiko na tutukan ang mga susunod na pagdinig sa impeachment trial, lalo na’t malaking halaga ng pera ang dumaan umano sa mga bank account nina Duterte at ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio, batay sa mga rekord na isinumite ng mga bangko sa Anti-Money Laundering Council o amlc.

Nakatakdang simulan ng prosecution sa Setyembre 14 ang presentasyon ng mahigit 1,800 dokumento, kabilang ang mga bank at insurance records.

Gayunman, sinabi ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na hindi lahat ng bank records ay ilalatag upang hindi humaba nang husto ang paglilitis at pipiliin lamang ang mahahalagang dokumento.

Ayon kay Chua, makatutulong ang full-day hearings para mapabilis ang presentasyon ng ebidensya sa unexplained wealth at bribery articles.

Tinatayang dalawa o posibleng tatlong testigo ang maihaharap ng prosecution kada araw, depende sa takbo ng mga pagdinig.