-- Advertisements --
FB IMG 1619426916412

Posibleng sa huling quarter na umano ng taon isasagawa ang partial operation ng common stations ng apat na rail lines sa Metro Manila.

Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade sa Sulong Pilipinas Forum 2021 na mayroon daw kasing naging hindi pagkakaunawaan ang mga contractors sa mga common stations.

Dahil dito, ang naturang proyekto na naantala na nang siyam na taon ay magiging operational na sa ika-apat na quarter ng taon pero hindi na full operational.

Una nang sinabi ni Tugade noong February 2019 na ang mga common stations ay sa fourth quarter ng 2020 na magiging operational.

Ang mga common stations ay kokonekta sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang konstruksiyon kasama na ang Mega Manila Subway.

Cover ng proyekto ang tatlong lugar kabilang ang Area A kung saan isinasagawa ang dalawang palapag na gusali at tulay sa EDSA na magkokonekta sa LRT-1 at MRT-3.

Ang Area B ay ang general concourse area na katulad ng Grand Central Station sa New York, habang ang Area C ay kokonekta naman sa MRT-7.